KINAKATIGAN ko ang mungkahi ni incoming Senate President Koko Pimentel na ang babago sa Saligang Batas ay ang Constitutional Convention (Concon). Ang bubuo nito ay ang mga delegadong halal ng bayan. Kinakailangan kasing mabago ang Saligang Batas dahil nais ng uupong Pangulo ng bansa na si Rodrigo Duterte ay mabago ang sistema ng ating gobyerno.

Federalism ang nais niyang ipalit sa kasalukuyang unitary system na ipinangako niya noong siya ay nangangampanya.

Ito raw ang paraan para maikalat ang salapi ng bayan. Sa kasalukuyan, mayroon aniyang mga bahagi ng bansa, gaya ng Mindanao, na hindi inaabot ng biyaya buhat sa Maynila, na sentro ng gobyerno. Kaya magulo sa mga lugar na ito, dahil sa kahirapan.

Ang federalism ay bagong sistema ng pamamahala sa ating bansa na dapat malaman at maintindihan ng mamamayan. Ang pinakamagandang paraan para sa layuning ito ay ipaubaya sa Concon ang pagbabago sa Saligang Batas. Dahil delegado na iboboto ng mamamayan ang bubuo nito, mangangampanya ang mga nagnanais maging delegado. Sa pagkuha nila ng suporta sa taumbayan, ipaliliwanag nila ang kanilang posisyon kung bakit pabor o tutol sila sa federalism. Isyu, at hindi tao, ang iboboto ng sambayanan. Bukod sa panahon ng kampanya ng mga delegado, pormal nang tatalakayin ng mga halal na delegado ang isyu. Magiging maliwanag na ang federalism sa taumbayan at magagabayan sila kapag bumoto na sila para sa ratipikasyon ng Saligang Batas.

Ang buod ng federalism ay hahati-hatiin ang bansa sa kung ilang parte at ang bawat isa ay may sariling gobyerno.

Malaya sa bawat isa ang mga ito at makagagawa ng naisin. May sariling paraan ang bawat isa kung paano patatakbuhin ang gobyerno. Pero, sa ilang bagay at isyu, ang may kapangyarihan at karapatang magpasya ay ang federal government o ang gobyerno ng buong bansa.

Hindi isyu na ang ilang bahagi ng bansa ay hindi inaabot ng salapi ng bayan na kailangan nila sa pag-unlad. Ang isyu rito ay kung paano natin mapapag-isa ang ating mamamayan para magkaintindihan at maitanim sa kanilang puso ang pag-ibig sa bayan at pagmamahal sa bawat isa. Aabutin ng tulong ang lahat kapag marunong tayong magmahal. Ang bansa natin ay binubuo ng maraming isla. Kung ano ang dami ng isla ay siya namang dami ng salita. Pangarap pa hanggang ngayon ang nais ng ating mga ninuno na magkaroon ng sariling wika.

Paparte-partihin pa ang bansa na may kanya-kanyang gobyerno at malaya pang patatakbuhin ito. Lalo itong makokontrol ng malalakas at masalapi. At lalong madaling mangibabaw ang mga dayuhan sa ating bansa dahil hindi na sila ang gagawa ng paraan para mahati tayo, ayon sa kanilang polisiyang “Divide and rule”.

Hinati natin mismo ang ating sarili sa pamamagitan ng federalism. (Ric Valmonte)