Ibinasura ng Antipolo City Regional Trial Court (RTC) ang kasong double murder laban kay dating Air Force Lt. Col. Eduardo “Red” Kapunan, na pangunahing akusado sa pagpatay sa labor leader na si Rolando Olalia at sa kanyang aide na si Leonor Alay-Ay noong 1986.

Kasunod ito ng pagkatig ni Judge Marie Claire Mabutas-Sorda, ng Antipolo City RTC Branch 97, sa demurrer to evidence na isinampa ni Kapunan.

Ang demurrer to evidence ay kahilingan na ibasura ang kaso dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya na inihain ng akusado matapos na itigil ng prosekusyon ang presentasyon ng mga ebidensiya.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

Samantala, mananatili naman sa piitan ang mga kapwa akusado ni Kapunan na sina Sergeant Desiderio Perez, Dennis Jabatan, at ang bagong aresto na si Fernando Cassanova.

Una nang pinayagan ng husgado si Kapunan na makapagpiyansa isang taon matapos siyang sumuko noong 2012.

Samantala, dismayado ang pinsan ng biktima na si Atty. Edre Olalia, secretary general ng National Union of Peoples' Lawyers.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Olalia ang mga sundalong mababa ang ranggo na huwag susunod sa mga ilegal na kautusan ng kanilang mga superior, dahil kadalasan ang mga opisyal ay nakalalaya habang ang kanilang mga tauhan naman ang nagdurusa sa piitan. (Beth Camia)