Upang hindi magdulot ng pagsisikip ng trapiko at makaabala sa ibang motorista ngayong pasukan, iniutos ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Emerson Carlos sa school services na gumugol lang ng 15 segundo sa pagbababa at pagsasakay ng mga estudyante.
Sa pahayag ni Carlos, sinabi niyang sapat lang ang 15-second rule sa school services upang hindi makadagdag ang mga ito sa trapiko at makaabala pa ng ibang motorista.
Paliwanag ng opisyal, unang ipinatupad ng MMDA ang naturang hakbangin sa Ateneo de Manila University sa Quezon City, at naging maganda, aniya, ang resulta nito at lumuwag pa ang trapiko sa lugar.
Handa ang MMDA sa pagpapakalat ng 1,000 traffic enforcer sa Metro Manila para magmando ng trapiko malapit sa mga eskuwelahan at magbigay ng giya sa mga motorista sa pagbubukas ng klase sa Hunyo 13. (Bella Gamotea)