Hindi kailanman nakialam ang United States sa desisyon ng Pilipinas na maghain ng arbitration case laban sa China kaugnay ng agawan sa teritoryo sa South China Sea.
Ito ang iginiit ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma, Jr., sinabing ang Amerika, gaya ng ibang bansa sa Kanluran, ay nagdeklara lamang ng suporta sa mapayapang resolusyon sa agawan sa teritoryo at sa pagpapairal sa rule of law.
“Para sa akin, walang basehan ang alegasyong ‘yan,” sinabi ni Coloma nang kapanayamin sa radyo nitong Linggo tungkol sa akusasyon ng China na nakialam ang Washington sa proseso ng arbitration sa South China Sea, na anumang araw ngayon ay dedesisyunan na ng international tribunal sa Hague.
Iniulat noong nakaraang linggo ng Xinhua na sinabi ni China’s Ambassador to the Netherlands Wu Ken na hindi tatanggapin ng Beijing ang “invalid arbitral award”, at iginiit ang pakikialam ng Amerika sa arbitration process.
(Genalyn D. Kabiling)