Balewala kay Vice President-elect Leni Robredo kung hindi siya pagkakalooban ni incoming President Rodrigo Duterte ng posisyon sa Gabinete nito.

“Naiintindihan ko ‘yan dahil ito ay kanyang prerogative kung sino ang kanyang itatalaga sa kanyang Gabinete,” pahayag ni Robredo.

“Simula pa lamang, naiintindihan ko na at wala akong karapatan upang mag-demand ng kahit ano,” dagdag ni Robredo.

Ito ay bilang reaksiyon ng kongresista ng Camarines Sur sa naging pahayag ni Duterte na hindi pa niya mabibigyan ng puwesto si Robredo sa Gabinete dahil ang prioridad ng bagong pangulo ay ang kanyang mga tagasuporta na tumulong sa kanyang pagkakahalal nitong Mayo 9.

National

Amihan, easterlies, nakaaapekto sa bansa – PAGASA

Tulad ng mga nakaraang pangulo ng bansa, iginiit ni Robredo na karapatan ni Duterte na pumili ng miyembro ng kanyang Gabinete dahil mahalaga, aniya, na ang mga ito ay kanyang pinagkakatiwalaan.

Aminado sina Duterte at Robredo na hindi nila personal na kilala ang isa’t isa.

Subalit una nang inihayag ni Robredo na plano niyang magsagawa ng courtesy call kay Duterte upang matiyak ang magandang relasyon ng dalawang bagong opisyal sa pagsisimula ng kanilang panunungkulan sa Hunyo 30.

“I understand that he could not just appoint someone whom he has no full trust and confidence,” ani Robredo.

(Aaron Recuenco)