IPINAGDIRIWANG ng mga Pilipino ngayon ang diwa ng bayanihan, isang pambihirang katangian na kilala nang taglay ng ating mamamayan. Sa Presidential Proclamation No. 138 na ipinalabas noong Hulyo 5, 1999, idineklara ang Mayo 27 ng bawat taon bilang “National Day to Commemorate and Propagate the Bayanihan Spirit as the Unique Filipino Way of Working Together as a People” (Pambansang Araw ng Paggunita at Pagpapalaganap sa Diwa ng Bayanihan bilang Pambihirang Paraan ng mga Pilipino sa Pagtutulungan bilang Mamamayan).

Binibigyang-diin ng proklamasyon ang “Bayanihan, bilang isang sinaunang katangiang Pilipino ng pagsasama-sama, ay isang epektibong konsepto na makakatulong nang malaki para sa pambansang pagtutulungan para sa pagsulong at kaunlaran kung nagugunita at napapalaganap nang wasto.” Inspirasyon nito ang pambansang pagkilala na natamo ng Bayanihan Philippine Dance Company noong Mayo 27, 1958, nang magsama-sama ang mga Pilipinong artist, estudyante, magulang, eskuwelahan, negosyante, at gobyerno “sa tunay na tradisyong Bayanihan upang matagumpay na mairaos ang isang kultural na pagtatanghal sa pandaigdigang entablado” sa 1958 Brussels World Fair.

Buhay na buhay rin ang mensahe ng “Bayanihan”, ang sikat na obra ni Fernando Amorsolo, nang ilarawan niya ang diwa ng bayanihan sa pagtutulung-tulong ng magkakapitbahay sa pagpapasan sa isang bahay kubo para ilipat sa ibang lugar.

Ang diwang ito ay buhay na buhay, lalo na kapag may kalamidad, sa pamamagitan ng pagdagsa ng donasyong pera at kagamitan, panahon at serbisyo sa mga nangangailangan nang walang hinihintay na kapalit. Maging sa mga pang-araw-araw na sitwasyon, ang diwa ng bayanihan ay taglay din ng mga taong nagtutulung-tulong upang itulak ang isang tumirik na sasakyan patungo sa gilid ng kalsada, o sa mga tumutulong sa iba sa pagbibitbit ng mabigat na bagahe.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa kabanatang ito ng kasaysayan ng ating bansa, tinatawag tayo upang magkaisa sa muling pagbuhay sa diwang ito na labis na pinahalagahan ng ating mga ninuno kaya naman nagawa nilang mapagtagumpayan ang mga hamon sa buhay noong kanilang panahon. Ipinamamalas ang bayanihan sa pagiging hindi makasarili at sa pakikipagkaisa para sa iisang layunin sa harap ng pagkakaiba-iba, may tunay na hangarin upang maisakatuparan ang hinahangad para sa kabutihan ng lahat.

Sa ating paggunita sa Pambansang Araw ng Paggunita at Pagpapalaganap sa Diwa ng Bayanihan bilang Pambihirang Paraan ng mga Pilipino sa Pagtutulungan bilang Mamamayan ngayong taon, mainam na pagmasdan nating muli ang iginuhit ni Amorsolo nang may bagong pananaw. Ituring natin itong isang hamon sa bawat Pilipino upang isantabi ang ating pinapanigang relihiyon at pulitiko, kalagayan sa lipunan, at kinaaanibang tribu, at magsikap bilang mamamayan na sinasaklawan ng iisang kasaysayan, pamanang kultural, at hangganan ng heograpiya upang sama-samang bitbitin patungo sa kaunlaran, kapayapaan at kasaganaan ang bahay kubo na sumisimbolo sa ating bansa at sa ating planeta, ang ating nag-iisang tahanan.