NOONG kasagsagan ng presidential polls, nalantad ang pagkukumahog ng tinaguriang mga political butterfly sa paglipat sa iba’t ibang lapian; basta iniiwan na lamang ang dati nilang sinusuportahang partido at lumilipat sa inaakala nilang magwawagi sa halalan; pansariling kapakanan ang pangunahing isinasaalang-alang.
Ganito ang nasaksihan nating mga eksena nang hindi na mapigilan ang pangunguna ni President-elect Rodrigo Duterte sa lahat ng survey; masyadong malayo na ang kanyang agwat sa iba pang nangungulelat na presidential bets.
Kasabay nito, dumagsa ang political butterfly na naglilipatan sa kampo ng bagong-halal ng Pangulo. At malalaking political leaders ang nagpahayag ng suporta sa kanya, kabilang na ang ibang kandidato na kaalyado ng malalaking lapian. Mistulang pinagtaksilan nila ang dati nilang tinatangkilik na presidential candidates na tulad ng dapat asahan ay dumanas ng kahabag-habag na pagkatalo. Taliwas ito sa paninindigan ng ibang political supporters na nanatiling tapat na kapanalig hanggang sa huling sandal—hanggang ngayon ay kaagapay ng mga natalong kandidato.
Ngayon ay iba naman ang ating nasasaksihan—balimbingan festival. Nangangahulugan na ang tinaguriang mga balimbing sa pulitika ay mistulang nagmamano kay Duterte; patuloy ang kanilang pagdagsa sa Davao City at sa iba pang lugar na kinaroroonan ng bagong-halal na Presidente upang maging bahagi ng hahaliling administrasyon. Pabirong sabi ng isa nating kapatid sa media: Upang mamantikaan.
Hindi lamang mga pulitiko ang sumusugod ngayon sa Duterte camp. Pati ang dating cabinet members na nanungkulan sa nakalipas na magkakaibang administrasyon ay ‘tila magiging bahagi rin ng Duterte Cabinet.
Maging ang ilang malalaking negosyante na sinasabing sumuporta sa ibang partido ay nagbibigay-galang din kay Duterte. Pati ang ilang movie at television celebrities ay sinasabing bumalimbing na rin. Karapatan ito ng sinuman. Ang kumilala sa pambihira at makabuluhang tagumpay ng sinuman ay simbolo ng paggalang at paghanga.
Wala akong makitang masama sa mga political butterfly at sa mga kabilang sa balimbingan festival na nais makipagtulungan sa Duterte administration. Kailangan lamang matiyak na ang mga ito ay magiging bahagi ng isang huwarang paglilingkod na makabubuti sa bansa at sa mismong mamamayang Pilipino.