ANG Mayo ay sinasabing buwan ng mga bulaklak at panahon ng pagdiriwang ng mga kapistahan sa iba’t ibang bayan sa mga lalawigan at lungsod sa Pilipinas. Mahirap man o mayaman, patuloy na isinasagawa ang tradisyong nakaugat na sa kultura ng mga mamamayan na minana sa ating mga ninuno. Bukod dito, ang masaya at makulay na pagdiriwang ay dinarayo ng iba nating mga kababayan. Nakikita sa pagdiriwang ng mga kapistahan ang mga deboto ng patron saint; mga turista, balikbayan, overseas Filipino worker (OFW) na nagbabakasyon. At sa pagdiriwang ng mga kapistahan, ipinakikita ng mga Pilipino ang pagiging magiliw sa mga panauhin sa kani-kanilang tahanan.
At sa pagiging relihiyoso ng ating mga kababayan, may krisis man sa kabuhayan o wala, kailanma’y hindi nalilimutan na parangalan ang kanilang patron saint. Ipinagdiriwang ang kapistahan bilang bahagi ng buhay ng mga Pilipino.
Nagtitipun-tipon ang pamilya at kaibigan at kamag-anak para magpasalamat sa buhay at sa mga biyayang natanggap. Kung mawawala ang mga kapistahan, mawawala ang isa sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Kung sumasapit ang Mayo, tatlong pangunahing pagdiriwang ang ginugunita at binibigyang-buhay at pagpapahalaga. Una ay ang “Antipolo Pilgrimage” o Pag-ahon sa Antipolo. Ikalawa ay ang Flores de Mayo (Flowers of May) o ang Pag-aalay ng mga Bulaklak sa Mahal na Birhen. Ang ikatlo ay ang Santakrusan. Sa Antipolo Pilgrimage o Pag-ahon sa Antipolo, ay pagpapamalas ng mga Pilipino sa kanilang debosyon sa Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay o Nuestra Senora dela Paz y Buenviaje.
Pinaniniwalaan na ang Birhen ng Antipolo ay kasama sa mga galleon ng limang ekespedisyon mula sa Maynila hanggang Acapulco. Sa unang paglalakbay patungong Acapulco, sakay ng galleon ship na San Diego, naghimala ang Mahal ng Birhen sa pamamagitan ng pagpapahinahon sa dagat at nang dahil dito, ang Mahal na Birhen ay tinawag na “Our Lady of Peace and Good Voyage” o Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Sa buong buwan ng Mayo, ang Mahal na Birhen ng Antipolo ay pinupuntahan ng mga deboto.
Ang debosyon sa Mahal na Birhen ay isinasagawa sa pamamagitan ng “Flores de Mayo” na kung tawagin din ay “Flores de Maria” kung saan iniaalay ang magagandang bulaklak sa Mahal na Birhen. Bawat araw, ang mga batang babae at lalaki, mga senior citizen at iba pang deboto ni Maria ay nagtutungo sa mga simbahan tuwing hapon. Nagdarasal at nag-aalay ng mga bulaklak sa Mahal na Birhen.
Ang Flores de Mayo ay ginaganap din sa malalaki at matatayog na katedral sa ating bansa at maging sa mga kapilya sa mga barangay at liblib na pook kung saan naroon ang imahen ng Mahal na Birhen. (Clemen Bautista)