CAPAS, Tarlac - Nahaharap ngayon sa kasong rape at abduction ang isang kawani ng Tarlac City Planning Development Office matapos niya umanong i-hostage at gawing sex slave sa iba't ibang lugar ang isang 18-anyos na dalaga.

Sa imbestigasyon ni PO1 Marie Larmalyn Nuñez, mabigat ang kasong kinahaharap ni Jethro Capiendo, 40, may asawa, ng San Sebastian Village, Tarlac City.

Ang biniktima ni Capiendo ay ang 18-anyos na dating nobya, na taga-Barangay Sapang Maragul, Tarlac City.

Napag-alaman na Disyembre 3, 2015 nang magkaroon ng relasyon ang biktima kay Capiendo, ngunit pagsapit ng Pebrero ay nagdesisyon ang dalaga na tapusin na ang kanilang relasyon.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Gayunman, hindi pumayag ang suspek at nitong Mayo 11 ay binantaan ang dalaga na papatayin ang pamilya nito kung hindi siya pupuntahan sa kanyang bahay sa San Sebastian Village.

Puwersahang dinala ni Capiendo ang dalaga sa isang motel sa San Fernando City, Pampanga at hinalay doon, bago dinala naman sa Bgy. Sto. Rosario sa Capas at muling ginahasa.

Ayon sa report, ilang araw ding hinostage ng suspek ang biktima sa Capas hanggang sa makapag-text ang dalaga sa kapatid nitong guro sa Bgy. Sapang Maragul, Tarlac City, na kaagad nag-report sa Capas Police hanggang sa maaresto ang suspek. (Leandro Alborote)