KAPANALIG, napakahalaga ng pagkakaisa ng buong bansa lalo na’t bago ang ating administrasyon.
Kadalasan, ang pagkakaisa ay nangangahulugan lamang ng iisang “vision” o direksiyon para sa maraming Pilipino. Laliman natin ang kahulugan na ito, kapanalig, upang tunay nating matamasa ang benepisyo ng isang nagkakaisang bansa.
Ang pagkakaisa ay hindi lamang dapat nakatutok sa patutunguhan. Hindi lamang ito tungkol sa mga tagapamuno at mga taong sumusunod tungo sa isang lugar o hangarin. Mainam man ito sa umpisa, hindi ito dapat ang mangyari sa tuwina. Hindi kasi pantay ang ganitong sistema
Ang pagkakaisa ay pakikiisa rin sa mga kasama natin sa ating paglalakbay.
Ang pakikiisa ang hinahanap-hanap ng mga tao sa mga nagdaang administrasyon. Ang inequality o hindi pagkakapantay-pantay sa ating bansa ay isang napakalaking isyu na ating dinadamdam, kapanalig. Sa taas kasi ng tinalon ng ating ekonomiya, kaunti lamang sa laylayan ang nakadama nito.
Ngayon nga, umakyat sa ikatlong ranggo ang ating bansa sa crony capitalism index ng The Economist. Noong 2015, tayo ay nasa ikaapat na puwesto. Ayon sa The Economist, 11.3 percent ng ating GDP ay binubuo ng yaman ng mga bilyonaryo sa ating mga crony sector. Kapag sinama ang yaman ng mga bilyonaryo na hindi kasama sa crony sector, umaabot sa 14.2 ang kabuuang bahagi nila sa ating GDP.
Ang crony capitalism na ito ay isa sa mga rason kung bakit marami pa ring mahirap sa ating bansa. Ang poverty incidence sa ating bansa, base sa opisyal na datos, ay nasa 26.3% noong 2015. Hindi sumasabay ang paglago ng ating ekonomiya sa paglago ng buhay ng maraming maralita. Marami ang mas nakararamdam na sa pagtaas ng economic growth ng bansa, lumalayo rin ang pangarap na ginhawa ng marami.
At ito nga ang hamon at misyon ng susunod na administrasyon: ang palaganapin ang inclusive growth sa ating bayan upang malasap nating lahat ang mga bunga ng pagtaas ng ating ekonomiya. Upang magawa natin ito, kailangan natin tingnang mabuti ang ating kapwa, at kilalanin na lahat tayo ay anak ng Diyos. Ang paglalakbay natin sa bayang ito ay paglalakbay ng isang malaking pamilya kung saan, dapat, walang iwanan.
Sa misyon ng inclusive growth, kailangan maitaguyod natin ang value ng pakiisa. Base sa Sollicitudo Rei Socialis, isang Catholic Social Teaching, ang solidarity ay ebidensiya ng mapagpalayang pagmamahal natin sa ating kapwa: “The process of development and liberation takes concrete shape in the exercise of solidarity, that is to say in the love and service of neighbor, especially of the poorest: ‘For where truth and love are missing, the process of liberation results in the death of a freedom which will have lost all support.”
Sumainyo ang katotohanan.