BUTUAN CITY – Isang aktibong tagasuporta ng presidential aspirant na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang binaril at napatay nitong Linggo ng tatlong hindi nakilalang lalaki sa Barangay Bayanga, Cagayan de Oro City.

Ayon sa report na tinanggap dito, nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Gomer Piloton, 49, ng Bgy. Bayanga.

Sinabi ng kinakasama ni Piloton na si Elsie na wala siyang alam na may kaaway ang biktima, bagamat malaki ang kanyang paniniwala na may kinalaman sa pulitika ang insidente.

“Aktibo po siyang supporter ni Duterte sa Cagayan de Oro City,” sabi ni Elsie.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Aniya, isang hindi niya kilalang lalaki ang bumisita sa kanilang bahay ilang araw na ang nakalilipas at nakipagtalo ito kay Piloton tungkol sa pulitika.

Batay naman sa imbestigasyon, sakay sa motorsiklo ang suspek, na agad tumakas patungo sa bayan ng Talakag sa Bukidnon.

Hindi pa natutukoy ng pulisya ang motibo sa krimen at ang pagkakakilanlan ng suspek. (Mike U. Crismundo)