Naisalba ni Rogen Ladon ang matikas na hamon ni Devendro Singh Laishram ng India sa kanilang semi-final match sa Asia/Oceania Olympic Qualifying Tournament kahapon sa Qian’an, China.

Kumbinsido ang tatlong hurado sa bilis at katatagan ng Pinoy fighter para ibigay ang 30-27, 30-27, 30-27, iskor kay Ladon para makausad sa gold medal bout sa men’s light flyweight class.

Magwagi man o mabigo sa finals, abot-tainga na ang ngiti ng 23-anyos na si Ladon dahil nakamit na niya ang minimithing slot para sa Rio Olympics sa Agosto.

Batay sa format ng torneo, ang tatlong mangungunang boxer sa bawat division ay makakalahok sa quadrennial meet.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Makakaharap ni Ladon, top seeded sa kanyang division, si Hasanboy Dusmatov ng Uzbekistan para sa gold medal. Nagwagi si Dusmatov kontra Gan-Erdene Gankhuyag ng Mongolia via unanimous decision, 30-27, 30-27, 30-27.

Kinapos naman si Mario Fernandez sa kanyang kampanya matapos matalo via unanimous decision kay Chatchai Butdee ng Thailand, 30-27, 30-27, 30-27.

Bunsod nito, kailangan niyang sumabak sa box-off kontra Kairat Yeraliyev ng Kazakhstan para makakuha ng Olympic slot. (Angie Oredo)