NAGKAHARAP sa programang “Bawal ang PASAWAY” ni Solita Monsod sina Mayor Rex Gatchalian at Cong. Magi Gunigundo ng Valenzuela City. Si Gatchalian ay tatakbong muli sa kanyang ikalawang termino bilang kandidato ng Nationalist People’s Coalition (NPC), samantalang si Gunigundo ay lalabanan si Gatchalian sa ilalaim ng Liberal Party (LP).
“Kung mananalo kang alkalde,” tanong ni Monsod kay Gunigundo, “ano ang gagawin mo?” Babayaran daw niya ang inutang ni Gatchalian. Ginagawa kasing isyu ngayon ni Magi ang nautang ng Valenzuela sa pamamahala ni Rex. Nasa P3 bilyong na raw ito na siya namang itinanggi ni Gatchalian.
Pero, hindi isyu ang utang. Ang isyu ay kung ang inutang ay hindi nakikita ang pinaglaanan at hindi pinakikinabangan ng mamamayan. Sa ilalim ng pamamahala ng mga Gatchalian, nauna si Sherwin Gatchalian, kandidato ngayon sa pagkasenador at sumunod si Rex Gatchalian, sumigla at umulad bigla ang Valenzuela. Napakaraming eskuwelahan sa Valenzuela, hindi lang elementary, kundi maging high school. Ang maganda pa sa ginawa ng magkapatid ay itinayo nila ang mga ito sa mga lugar kung saan maraming naninirahan. Ang higit na nakikinabang ay ang mahihirap na residente.
Nilalakad na lang ng kanilang mga anak ang pagpasok, higit na ligtas pa ang mga ito sa kapahamakan dahil malapit ang paaralan sa kanilang tirahan. Kaya, ang ebidensiyang magpapatunay na kayang tuparin ni Sherwin ang pangako niyang itataguyod ang edukasyon ng kabataan ay malinaw na makikita sa Valenzuela.
Noon Valentine’s Day, kumalat ang mga tao sa Mac Arthur highway dahil napuno ang Valenzuela People’s Park. Dito nila ipinagdiwang ang okasyon kasama ang kanilang mahal sa buhay. Napakalaki ng pagkakaiba ng Valenzuela sa ibang lungsod. Kasi, sa ibang mga lungsod, katulad ng Maynila at Caloocan, ibinenta nila at pinaupahan ang kanilang mga lugar na dati ay nakalaan para sa taumbayan bilang kanilang pahingahan at pasyalan. Ngayon, Valenzuela People’s Park ay halos araw-araw pinapasyalan ng mga pamilya roon at dito nila ipinagdiriwang ang mahahalagang okasyon.
Ang kaunlaran ay ginagastusan. Hindi lang naman ang Valenzuela ang umuutang kundi ang lahat ng local government units (LGUs) na nais ibigay ang nararapat na serbisyo sa kanilang mamamayan. Si Magi nga ay kinukuha ang kanyang PDAF sa hangarin daw niyang mapaglingkuran nang maigi ang kanyang nasasakupan. Hindi umano ito nagdaraan kay Napoles kundi sa kanyang tatlong foundation. Ang problema, hindi niya alam kung anu-anong foundation ito nang tanungin siya.
(RIC VALMONTE)