CAVITE CITY, Cavite – Limang katao ang iniulat na nasugatan at nasa 52 pamilya ang nawalan ng tirahan sa mahigit dalawang oras na sunog nitong Miyerkules ng gabi sa hilera ng kabahayan sa Kalayaan Street sa Hermanos, Barangay San Antonio sa siyudad na ito.
Ayon sa paunang report, nilamon ng apoy, na umabot sa ikatlong alarma at nagsimula dakong 8:40 ng gabi, ang maraming bahay sa Kalayaan Street at Garcia Exit.
Sinabi ni Supt. Aladdin Gaffud Tamayo, acting chief ng Cavite City Police, nasa 52 pamilya ang pansamantalang tumutuloy ngayon sa San Felipe Elementary School compound, at inaayudahan ng City Social Welfare and Development Office.
Ayon kay Tamayo, gawa sa light materials ang mga natupok na bahay, at tinaya sa P1.5 milyon ang halaga ng mga ari-ariang natupok sa sunog.
Ginamot naman ng mga tauhan ng Philippine Red Cross ang limang nasugatan sa sunog.
Pinaniniwalaang kuryente ang pinagmulan ng sunog, na nagsimula sa bahay ng isang “Junkan” at mabilis na kumalat sa mga kalapit na bahay.
Dakong 10:40 ng gabi na nang maapula ang sunog, ayon sa ulat. (Anthony Giron)