Sugatan ang tatlong pedestrian matapos silang araruhin ng isang pampasaherong jeep na umano’y nawalan ng preno sa Roxas Boulevard sa Baclaran, Parañaque City, kahapon ng umaga.

Nilalapatan ngayon ng lunas sa Ospital ng Parañaque sina Roxanne Cawigan, 27, ng 19 Street, Villamor Airbase, Pasay City; Rashaid Postre, 31, ng Kawit, Cavite; at Jessa Mae Cuiscano, 24, ng 5th St., UPS 5, Sucat, Parañaque.

Sumuko sa awtoridad ang jeepney driver na si Ronald Borcelas, 32 ,ng Del Pilar Street, Alapan I-C, Imus, Cavite.

Sa ulat ni Parañaque City Police chief Senior Supt. Ariel Andrade, dakong 6:30 ng umaga nang nawalan umano ng preno at banggain ng jeep (NWT-996) na minamaneho ni Borcelas ang tatlong biktima habang tumatawid ang mga ito sa Roxas Boulevard sa Baclaran.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon nang ilang metro ang tatlo.

Sa pahayag ng mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), masyadong mabilis ang takbo ng jeep nang salpukin nito ang mga biktima.

Lumitaw na peke ang driver’s license na iprinisinta ni Borcelas dahil idinikit lang ang larawan nito sa lisensiya, na pag-aari ng kanyang kapatid.

Hindi makakuha ng bagong lisensiya ang suspek dahil sa dami ng kinahaharap na paglabag sa batas trapiko simula pa noong 2013. (Bella Gamotea)