WALA na si Nanay Curing, ngunit nakikita ko siyang nakangiti mula sa langit, at maaaring nagtitinda pa rin ng kung anumang maaaring maibenta roon.
Naaalala ko siya bilang isang huwarang entrepreneur.
Kahit sa katandaan, at kahit maalwan na ang aming pamumuhay, ipinagpatuloy niya ang kanyang tindahan, ang Nanay Villar’s Store, sa harap ng kanyang bahay.
Malimit kong sabihin sa publiko na ang tagumpay ko bilang entrepreneur ay dahil sa itinuro sa akin ni Nanay mula sa aking pagkabata.
Ngunit higit ko siyang naaalala bilang isang mapagmahal na ina. Itinaguyod niya ang aming pamilya sa gitna ng kahirapan. Sa panahong iyon, kailangan namang tulungan ng aking ama ang kanyang walong kapatid pagkatapos mamatay ng kanyang mga magulang dahil sa kanser.
Kaya ang aking ina talaga ang bumalikat sa pagpapalaki sa kanyang siyam na supling hanggang sa lahat sila ay magtagumpay sa kani-kanilang larangan.
Hindi ko malilimutan ang mga araw naming dalawa sa Divisoria para magtinda ng hipon. Umaalis kami sa bahay ng hatinggabi at naglalakad lamang patungo sa palengke.
Natatandaan ko na sa isang tingin lang ay natatantiya niya kung ilang hipon ang laman ng isang banyera at hindi siya nagkamali kailan man.
Hindi rin matatawaran ang kanyang kasipagan. Wala pa akong nakitang tao na kasing-sipag niya.
May mga pagkakataon na wala siyang puhunan, ngunit lalo siyang nagtiyaga at nagsipag. Sa aking nanay ay nakita ko ang diwang hindi nagagapi.
Siya ang larawan ng sipag at tiyaga. Kaya para sa akin, ang sipag at tiyaga ay hindi lamang linyang pampulitika, kundi ang katangian na natutuhan ko sa aking ina.
Kapag naaalala ko ang pagmamahal at pag-aaruga ng aking nanay, nagugunita ko rin ang ibang mga ina na ginagawa ang lahat para sa kanilang mga minamahal.
Kapag nahaharap ako sa mga suliranin at balakid, lagi kong ginugunita kung paano hinarap ni Nanay ang mga pagsubok sa kanyang buhay.
Hanggang ngayon, ipinagmamalaki ko ang laging sinasabi ni Nanay sa ibang tao tungkol sa akin: “Hasa sa akin ‘yan.”
Nanay, mahal na mahal kita. Maraming salamat sa iyong pagmamahal at pag-aaruga.
Pahinga ka na, ‘Nay. You have done God’s work.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)