HAWAII (Reuters) – Isang bagong silang na sanggol na may brain damage sa isang ospital sa Oahu, Hawaii, ang nakumpirmang nahawaan ng Zika virus, ang unang kaso sa U.S. ng mosquito-borne virus.
Sinabi ng Hawaii State Department of Health sa isang written statement na ang ina ng bata ay pinaniniwalaang nagkaroon ng Zika infection habang naninirahan sa Brazil noong Mayo 2015 at ang sanggol ay posibleng nahawaan habang ipinagbubuntis.
Noong Biyernes, naglabas ang U.S. health officials ng travel warning para sa 14 na bansa at teritoryo sa Caribbean at Latin America na may panganib ng Zika infection.
Partikular na binalaan ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang mga buntis na huwag bumiyahe sa mga lugar na ito dahil ang Zika ay iniugnay sa serious birth defects.
Ang Zika virus ay isinasalin ng Aedes species ng lamok, na nagkakalat din ng dengue at chikungunya virus. Ito ay mahinang karamdaman na may kasamang lagnat, rash at joint pain. Wala pang bakuna o lunas sa sakit.