Namatay habang ginagamot sa ospital ang isang abogado makaraan siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Lipa City, Batangas, kahapon.

Kinilala ng Batangas Police Provincial Office-Public Information Office (BPPO-PIO) ang biktimang si Atty. Socrates M. Hermoso, ng Villa Monica Subdivision, Barangay Lodlod, sa Lipa City.

Nagtamo siya ng maraming tama ng bala sa katawan at ilang minuto makaraang maisugod siya sa Mediatrix Medical Center nitong Linggo ay tuluyan na siyang binawian ng buhay dakong 10:20 ng umaga.

Tinutugis na ngayon ng pulisya ang mga suspek na sakay sa isang motorsiklo.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Ayon sa report, kabababa lang ng biktima mula sa kanyang Nissan Sentra (WGB-875) matapos mag-grocery kasama ang asawang si Josefina Hermoso nang dumating ang mga suspek.

Nang napansin ng biktima ang mga suspek ay agad siyang nagtatakbo papasok ng bahay, ngunit hinabol at pinagbabaril siya ng isa sa mga suspek.

Nakarekober ang pulisya ng anim na basyo ng bala at siyam na slug ng .9mm pistol. (Danny J. Estacio)