KASABAY ng pagsalubong sa Bagong Taon, muling umingay ang mga balita na panahon na upang ilibing na si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Hanggang ngayon, ang mga labi ni Pangulong Marcos ay nananatili sa air-conditioned mausoleum sa Batac City sa Ilocos Norte. Pumanaw siya noong Setyembre 1989 habang naka-exile sa Hawaii.
Ang panawagan ng sambayanan, partikular na ng mga Marcos loyalist, ay maliwanag na nakaangkla sa kanilang paniwala na ang yumaong Presidente ay hindi lamang naging Punong Ehekutibo ng Pilipinas kundi itinuturing ding bayani ng digmaan. Pinatunayan ito ng mga medalya na ipinagkaloob sa yumaong Pangulo.
Subalit tila hindi nagbabago ang paninindigan ni Pangulong Aquino nang tandisan niyang ipinahayag sa isang pagtitipon ng mga dayuhang mediamen na: “It really would be the height of injustice to render any state honor to the person who was the direct mastermind of all the suffering during the martial law period. I will not be sanctioning a burial for the late President Marcos... not under my watch.” Ibig sabihin, itinuturing niyang isang sukdulan ng kawalan ng katarungan ang pagpapalibing sa yumaong si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. At hindi ito mangyayari habang siya ang Pangulo.
Sa kabila ng naturang pahayag, sinasabi na buong pagpapakumbaba namang nanawagan si Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tigilan na ang bangayan ng kanyang pamilya at ng mga Aquino alang-alang sa kapakanan ng bansa, at para sa katahimikan ng dalawang pamilya. Ang gayong alitan ay nag-ugat sa pagiging mortal na magkaaway sa pulitika ng yumaong si Marcos at ni Senador Benigno Aquino Sr. Ang pamilya Marcos ang sinisisi sa pagkamatay ng dating senador noong 1983. Naging hudyat ito ng mga kilos-protesta na nauwi sa pagpapatalsik kay Marcos ilang presidente noong 1986.
Gayunman, hindi kumukupas ang mga panawagan upang si Marcos ay mailibing sa Libingan ng mga Bayani. Ito ay sinasabing sumasagisag sa paglilibing ng kultura ng galit at paghihiganti na balakid sa pagsulong ng bansa at mistulang pagkakawatak-watak ng sambayanan.
Ang kawalan ng pagkakaunawaan, pagpapatawad at pagkakapatiran ay hindi kaya katulad ng isang sugat na hindi na paghihilumin ng panahon? (CELO LAGMAY)