Sinumpak ng kanyang dating live-in partner ang isang 25-anyos na babae sa Port Area, Manila, nitong Linggo ng gabi matapos tumanggi ang huli na makipagbalikan sa kanya.

Kritikal ngayon sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Norelyn Briones, ng Block 1, Aplaya, Baseco Compound, Port Area, Manila dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan.

Samantala, pinaghahanap naman ng pulisya si Rogelio Ortinez, 38, ng Block 7, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Batay sa ulat ni Supt. Albert Barot, dakong 8:00 ng gabi noong Linggo nang nanangyari ang insidente sa harap ng bahay ng biktima.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Bibili lamang umano sa tindahan ang biktima nang abangan ito ng suspek at walang sabi-sabing sinumpak bago tumakas.

Tinitingnang motibo ng krimen ang pagtanggi ng biktima na makipag-usap at makipagbalikan sa suspek, na dati nitong live-in partner.

Lumitaw sa imbestigasyon ng mga pulis na Disyembre 22 nang hiwalayan ng biktima ang suspek nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan.

Tinangka umano ng suspek na makipagbalikan sa biktima nitong Linggo at binantaan pa ang biktima na susumpakin kung hindi siya kakausapin.

Sa takot, nagsumbong sa mga opisyal ng barangay ang biktima ngunit pagdating ng mga opisyal ng barangay ay wala na ang suspek.

Lingid naman sa kaalaman ni Briones ay nagtatago lamang ang suspek at nang matiyempuhan siyang lumabas ng tahanan ay bigla siyang sinumpak ng suspek. (Mary Ann Santiago)