DAHIL sa napipintong pagsasabatas ng Salary Standardization Law (SSL), na magtataas sa suweldo ng mga empleyado ng gobyerno, maliwanag na napag-iwanan ang mga opisyal ng barangay at mga tanod at health workers na marapat ding tumanggap ng nasabing benepisyo. Lagda na lamang ni Presidente Aquino ang kailangan upang maipatupad ang naturang batas na matagal nang nakabimbin sa Kongreso; na matagal na ring inaasahan ng kinauukulang mga tauhan ng pamahalaan.

Bagama’t kahina-hinala ang mabilis na pagsusulong ng SSL dahil sa nalalapit na eleksiyon, may dahilan upang magalak ang mga mabibiyayaan ng naturang batas. Kabilang dito ang mismong Presidente, mga mambabatas at iba pang opisyal, mga kawani, mga pulis at sundalo. Ang sahod ng Pangulo, halimbawa, ay tataas ng P400,000 isang buwan mula sa buwanang P160,000, bagay na maaaring ipagkibit-balikat ng mga tatanggap ng kakarampot na salary hike.

Tiyak na ito ay ipagkikibit-balikat din ng mga tauhan ng barangay na matagal na ring umaasam na pagkalooban ng retirement benefits mula sa gobyerno. Matagal nang umuusad sa Senado ang isang panukalang-batas na magtatakda ng P100,000 retirement pay para sa mga kuwalipikadong barangay chairman at P50,000 sa bawat treasurer, secretary, tanod, mga miyembro ng lupong tagapamayapa, at health at day care workers. Kailangan lamang na sila ay 60-anyos pataas at nagserbisyo nang hindi bababa sa siyam na taon.

Masyadong maliit ang biyaya na tinatanggap ng naturang mga tauhan ng barangay, lalo na nga kung ihahambing sa mga benepisyo na ipinagkakaloob sa iba pang lingkod ng bayan. Hindi rin naman biro ang serbisyo na ginagampanan nila sa mga mamamayan, lalo na sa pangangalaga sa katahimikan at pagbibigay ng mga serbisyong pangkalusugan. Sila ang katuwang na mga alagad ng batas sa pagsugpo ng mga sugapa sa mga bawal na gamot na walang patumangga sa paghahasik ng karahasan sa mga komunidad. Ang kanilang serbisyo ay lubhang kailangan, lalo na ngayon na mismong Philippine National Police (PNP) ang nagpahayag na 92 porsyento ng mga barangay ang talamak sa illegal drugs.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Totoo, may ilang mga tauhan ng barangay ang mismong mga pasimuno sa pagkunsinti sa mga sugapa sa droga. Ang ilang barangay hall ay nagiging pugad ng mga pot session at ang mga tauhan nito ang sinasabing mga pusher. Sila ang salot sa mga barangay.

Gayunman, hindi ito dahilan upang pagkaitan ng biyaya ang mga huwarang barangay officials. (CELO LAGMAY)