NGAYON na nga pala ang unang araw ng Simbang Gabi. Sa kastila, ito ay tinatawag na Misa de Gallo na sa literal na translation ay Mass of the Cock o Misa ng Tandang. Bakit ganito? Kasi ang pagsisimba ng ilang araw bago dumating ang Pasko ay laging sa madaling-araw ginagawa upang bigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka noon na dumalo sa misa bago magtungo sa bukid upang mag-araro. Noong kabataan ko, mula sa aming baryo ay naglalakad kami patungo sa simbahan.
Pagkatapos ng misa ay kumakain ng bibingka, puto-bumbong at salabat sa mga tindahan.
Mahirap kalabanin ang “City Hall” sapagkat para kang bumangga sa pader. Ito ay idiomatic expression o patalinghaga na ang ibig sabihin ay mabigat na karibal o kaaway ang isang makapangyarihang indibiduwal o grupo. Nangyayari ito ngayon kina Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na parehong malakas ang hatak batay sa surveys ng Social Weather Stations (SWS) at Pulse Asia.
Ang “City Hall” dito at ang “pader” ay ang Malacañang at Liberal Party na ang “manok” ay si ex-DILG Sec. Mar Roxas na laging kulelat at “kumakain ng alikabok” sa likuran nina Poe at Duterte. Suportado ng Malacañang ang plano ng Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang mga ulat tungkol sa human rights violations ng machong alkalde.
Kung hindi pa ninyo alam, si Chito Gascon, na CHR chairman ngayon, ay “dyed in the wool” na kasapi ng LP, dating aktibista noong Marcos regime at supporter ng mga Aquino. Samakatuwid, malamang ituloy ng “City Hall” ang pagpapadiskuwalipika kina Sen. Grace (isyu ng citizenship at residency) at Mayor Digong (paglabag sa human rights) upang ang matira na lang ay sina Roxas at VP Jojo Binay. Ang itatapat naman daw kay VP ay ang makapangyarihang PCOS machines.
Pahayag ni Press Secretary Herminio Coloma: “Ginagawa lang ng CHR ang tungkulin nito para alamin ang katotohanan sa likod ng umano’y paglabag sa karapatang pantao”. Si Coloma ang tagapagsalita ni PNoy kaya ang pahayag niya ay tiyak na idinikta ng binatang Pangulo tungkol kay Mayor Rody.
Talagang hindi maiiwasang maakit at mapahanga ni Duterte ang taumbayan. Sa kanyang lingguhang TV program na “Gisan sa Masa, Para sa Masa”, inihayag niya na kapag siya ang naging presidente, ipagbabawal niya ang paninigarilyo at pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar sa buong bansa. Sa nakalipas na 13 taon, bawal ang smoking sa public places at ang pagbebenta ng alak sa loob ng 15 taon ay bawal sa mga establisimyento, tulad ng night clubs at bars, pagsapit ng ala-1 ng madaling-araw. Karamihan umano sa nagbababad hanggang umaga sa mga club ay mga estudyante na pinag-aaral at binibigyan ng allowance ng magulang pero ginugugol lang ang pera sa pag-inom.
Alam daw niya ito dahil dumaan siya sa ganitong situwasyon noon. Kahit mawalan siya ng mga boto mula sa smokers at drinkers, ipatutupad niya ang pagbabawal: “ Everybody will hate me. But I am sorry in face of those who died of cancer.” Samantala, binira niya si PNoy sa kanyang “Tuwid na Daan”. Hindi raw ito epektibo. Ayon naman kay Sen. Chiz Escudero, dapat isama ang pangalan ni Sen. Poe sa listahan ng presidentiables ng Comelec. Tanging ang Supreme Court lang umano ang may final say sa kasong diskuwalipikasyon. (BERT DE GUZMAN)