Posibleng maglaban sina newly-crowned WBO super bantamweight Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr., at undefeated Jessie Magdaleno sa Abril sa susunod na taon.

Ito ang inamin kahapon ng kanyang amang si Nonito “Dodong” Donaire Sr., na tumatayo rin bilang kanyang trainer.

Ayon kay Dodong, posible umanong sa buwan ng Abril sa susunod na taon ikasa na ang mandatory fight laban kay Jessie Magdaleno sa Las Vegas.

Ang wala pang talo na si Magdaleno ay may boxing record na 22-wins at 16 via KOs.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

Samantala, balik-pamilya na sa San Leandro, California si Nonito Jr., matapos nitong makuha ang titulo noong Sabado (Linggo sa Manila) sa laban nila ni Cesar Juarez sa Coliseo Roberto Clemente, Puerto Rico. Tinalo ni Donaire si Juarez via 12-round unanimous decision.

Sinabi ni Donaire Sr., na magpapalipas muna ng panahon at magpapagaling ang anak matapos na magtamo ng pitong tahi dahil sa laban nito kay Juarez.

Dagdag pa ng nakatatandang Donaire, pinagtutuunan muna nila ngayon ng pansin ang nalalapit na pagdiriwang ng Pasko.

Kaugnay pa rin nito, inihayag ni Donaire Jr. na malaking pasasalamat niya sa kanyang asawang si Rachel na naging inspirasyon nito para manumbalik sa pagiging world champion.

Ayon kay Nonito, hindi matatawaran ang ginawang suporta ng kanyang asawa dahil sa motibasyon na ibinigay nito para makuha ang titulo.

Matapos ang ilang araw na pamamahinga sa Puerto Rico ay magdidiwang ng pasko sa bansa ang boxing champion kung saan darating ito sa Disyembre 17. (Bombo Radyo)