Kinumpleto ng Cignal ang pagwawalis sa huling dalawang laro ng finals series sa pamamagitan ng 25-17, 32-30, 25-23, panalo kontra Philippine Air Force (PAF) upang maiuwi ang kauna-unahang titulo sa men’s division ng Spiker’s Turf Season 1 Reinforced Conference noong Linggo ng hapon sa San Juan Arena.

Nagtala ang dating University of Southern Philippines Foundation-Cebu standout na si Edward Ybanez ng 13-puntos habang nagdagdag si Lorenzo Capate Jr., at dating kakampi ni Ybanez at kababayan na si Edmar Bonono ng tig-10 puntos upang pangunahan ang HD Spikers sa nasabing tagumpay matapos maunahan ng Airmen noong Game One.

“Masaya ako kasi first time kong maglaro sa Manila tapos champion pa,” pahayag ng 25-anyos na si Ybanez, na nagtapos ng kursong Electronics and Communication Engineering sa USPF.

“Sobra ‘yung pinagdaanan namin. Imagine ‘yung struggle namin sa elims hanggang sa semis, ‘yung process na pinagdaanan namin para makarating kami dito grabe, kaya tingin ko well deserved talaga namin ang panalong ito.”

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Naunahan pa ng HD Spikers noong Game One ng Airman , 15-25, 25-19, 19-25, 19-25, bago sila bumawi noong Game Two, 25-16, 25-17, 25-18.

“Sa Game One we were lousy then sa Game Two naayos namin, sabi ko sa kanila may purpose kung bakit tayo nanalo sa Game Two, kaya atin na ang championship sa araw na ‘to,” ayon kay Carino.

Aminado rin si Carino na sinamantala nila ang hindi paglalaro ni Air Force top hitter Ranran Abdilla, na hinihinalang nagtamo ng sprain.

“Imagine, isa sa pinakamalakas na outside spiker ng Pilipinas ‘yun, isa rin sa factor na pinag-igihan namin kasi may kulang sila,” ani Carno. (MARIVIC AWITAN)