HINDI naman daw si Pope Francis ang talagang minura ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kundi ang matinding traffic noong panahong bumisita ang una sa bansa. Pagkakambyo ito ng presidential candidate pagkatapos siyang batikusin sa social media sa pagmura umano niya sa Papa sa kanyang talumpati nang ideklara siyang kandidato opisyal ng PDP-LABAN.

Wala raw siyang dapat ihingi ng tawad dahil ipinahayag lamang umano niya ang damdamin ng milyun-milyong Pilipino na naiipit sa traffic araw-araw. Pero kung hindi siya palamura, ke ang galit niya ay sa Papa o sa traffic nang ibulalas niya ang kanyang saloobin sa pagkakaipit niya sa traffic mula sa airport, palipad-hangin lang sana ito na hindi papansinin. Kahit naman sino ay pwedeng batikusin ang Papa basta sa maganda at magalang na pananalita na may kaugnayan sa pananampalataya.

Sa panahong naririto ang Papa sa bansa, wala namang nagreklamo dahil ma-traffic. Katunayan nga, ang daming taong nais malapitan at masilayan ang Papa na naging sanhi ng halos hindi madaanang kalye na kanyang daraanan. Ang iba ay sa kalsada na natulog at matiyagang naghintay sa kanya. Wala sa prayoridad ng taumbayan ang traffic kundi pag-ibig at pagmamalasakit ang nasa kanilang puso. Si Duterte lang ang nagambala ng traffic kaya niya minura at pinauuwi na ang Papa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang problema sa alkalde, ayaw na ngang humingi ng paumanhin, nagbanta pa. Dahil sa batikos na tinatanggap niya sa CBCP, sinabi niya na wawasakin niya ang simbahan kapag hindi ito tumigil. “May sikreto ako,” wika niya, “Pero may sikreto rin kayo at ito ay ihahayag ko.” Ilalabas daw niya ang alam niyang hindi magandang ginagawa ng mga pari. Ito ang lideratong ipinakikita ni Duterte. Matapang nga, pero walang direksyon. Istilong palengkero at kanto boy.

Makukuha ba sa pamamagitan nito ang paglutas ng mga malalang problema ng bayan? Mapagbubuklod mo ba ang bayan kung puro mura, galit at hamon ng away ang ipinakikita mo? Walang puwedeng ipalit sa kahinahunan at mapagkumbaba.

(RIC VALMONTE)