LONDON (Reuters) – Inihayag ni Adele, na ang album na 25 ay nagtala ng sales records sa unang linggo pa lamang, nitong Huwebes na magkakaroon siya ng 15-week concert tour sa Britain, Ireland at Europe sa Pebrero 2016.
Masayang-masaya ang mga tagahanga ni Adele nang malaman ang tungkol sa kanyang concert tour, ang una sa loob ng apat na taon ng kanyang career. Pero may lumabas na usap-usapan sa isang site na may kaba o takot ang 27 taong gulang na singer na magtanghal sa harap ng maraming tao.
Agad naman itong pinabulaanan ni Adele sa paglalabas ng isang maikling video na sinabi niyang hindi totoo ang naturang balita.
“Hello it’s me,” wika ni Adele sa videoclip, habang nakatayo sa harapan ng mapa ng Europe at ng British Isles, “I have been bluffing this whole time and I’m so relieved to finally tell you I am of course coming on tour and I can’t wait to see all of you there.”
Magsisimula ang kanyang tour sa Pebrero 29 sa SSE Arena sa Belfast at magtatapos sa Sportpaleis sa Antwerp, Belgium.
Nakatakda rin siyang magtanghal sa Britain at sa Ireland, Norway, Denmark, Germany, Switzerland, Portugal, Spain, Italy at Netherlands at France, base sa isang notice.
Hindi na makapaghintay ang kanyang mga tagahanga kagaya ng nagsabing: “Omg. Next year Adele is gonna sing in Verona on 28-29 May! Can you imagine all the Arena singing #HELLO?! Italia’s waiting for the queen!”
Sinira ni Adele ang single-week U.S. album sales record sa loob lamang ng apat na araw, ayon sa Nielsen Music noong Martes, na bumenta ng 2,430,000 simula nang i-release noong Biyernes.