Nagbuga ng abo ang Mt. Kanlaon sa Negros Oriental nitong Lunes ng gabi, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sinabi ng Phivolcs na nagkaroon ng minor ash eruption ang bulkan dakong 9:55 ng gabi, at ilang beses pa itong nasundan hanggang pasado 10:00 ng gabi.
Ayon sa Phivolcs, aabot sa 1,500 metro ang taas ng abo ng ibinuga ng Kanlaon patungong timog-kanluran.
Nakapagtala rin ng sunud-sunod na pagyanig sa palibot ng bulkan, sa mga sitio ng Mananawin at Upper Pantao sa Barangay Pula sa Canlaon City.
Paliwanag ng ahensiya, posible pang masundan ang nasabing volcanic activity sa susunod na mga araw.
Itinaas na ang alert level status ng Kanlaon, mula sa 0 ay ginawang 1, at pinayuhan ng Phivolcs ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na umiwas na pumasok sa four-kilometer permanent danger zone ng Kanlaon.
Ang nasabing bulkan ay 26 na beses nang sumabog simula noong 1919, kabilang na ang pagsabog noong Agosto 10, 1996 nang ma-trap sa tuktok ng bulkan ang isang estudyanteng Briton at dalawang Pilipinong mountaineer. (Rommel P. Tabbad)