MATAGAL na sanang dapat nilipol ang mga bandidong Abu Sayaff Group (ASG) na walang patumangga sa paghahasik ng karahasan sa Mindanao; na pasimuno sa kidnap-for-ransom (KFR) syndicate na bumibiktima sa mga dayuhan at sa mismong kababayan natin. Ang kabuktutang ito ng ASG ay lantad sa buong daigdig.
Mismong ang Prime Minister ng Malaysia ang lihim na nagpahayag ng matinding pagkondena sa kabuhungang ito ng naturang mga bandido. Isipin na lamang na itinaon pa sa pagdalo sa APEC summit ng nasabing opisyal ang pagpugot sa isang Malaysian na dinukot ng ASG. Maliwanag na sinadya ng mga bandido na isagawa ang karumal-dumal na krimen upang ilantad hindi lamang ang kanilang pagiging kampon ni Satanas; nais din nilang patunayan na sila ay masyadong madulas at hindi matugis ng mga alagad ng batas. Nais din ba nilang ipamukha na inutil ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Mindanao?
Hindi pa huli ang lahat upang iutos ng administrasyon na lipulin ang ASG. Maging ang panawagan ng ilang sektor ay marapat na pakinggan ng kinauukulang awtoridad na may malasakit sa pagtatamo ng kapayapaan sa Mindanao at maging sa iba pang sulok ng bansa na pinamumugaran din ng mga tampalasang bandido.
Kung nanaisin, mahirap paniwalaan na hindi mapupuksa ng AFP, PNP at isba pang security agencies ang mga naghahasik ng karahasan. Ang naturang puwersa ay minsan nang napatunayang epektibo nang iutos ng nakaraang administrasyon ang paglusob sa Camp Abubakar – ang pinakamalaking kampo ng mga rebeldeng Muslim.
Totoong dapat nang malipol ang ASG – pati ang kanilang mga kapanalig na kumakanlong sa kanila at kakuntsaba sa karumal-dumal na gawain. Sila ang nagtataboy sa mga dayuhang negosyante na naghahangad mamuhunan sa bansa. Sila rin ang mistulang lumulumpo sa mga foreign at local tourist na may planong bumisita sa kaakit-akit na mga lugar sa Mindanao. At sila ang pinakamalaking balakid sa pagtatamo ng pangmatagalang kapayapaan.
Dahil dito, ang Pilipinas ay nananatiling mapanganib na lugar dahil nga sa kabuhungan ng ASG at ng iba pang mga grupo ng terorista. (CELO LAGMAY)