Nangunguna sa karera para sa Best Player of the Conference (BPC) ng 2016 PBA Philippine Cup si Barangay Ginebra slotman Greg slaughter batay sa inilabas na statistical point standings ng liga.

Ito ay matapos ang unang anim na laro kung saan nangingibabaw si Slaughter sa scoring (22.83) at rebounding (8.83) leader.

Nakatipon ang dating Ateneo center ng kabuuang 43.8 average statistical points-- mahigit 1-point ang kalamangan sa pinakamalapit niyang karibal na si Junemar Fajardo ng San Miguel Beer na mayroong natipong 42.7 average SP.

Nasa ikatlo at ika-apat na posisyon naman ang NLEX teammates na sina Sean Anthony at ang “Ageless Warriors” na si Paul Asi Taulava na nakatipon ng 41.2 at 40.4 average SP, ayon sa pagkakasunod.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Pumapanglima naman ang last year’s top rookie ng liga na si Stanley Pringle ng Globalport na mayroong 37.6 average SP.

Kasama din sa top 10 at nasa ika-anim na posisyon ang nakaraang FIBA Asia Championships Best Guard na si Jayson Castro ng Talk ‘N Text (35.6), pampito si Vic Manuel ng Alaska (33.0), pangwalo si Alex Cabagnot ng Beermen (32.3), pang-siyam ang kakampi ni Pringle na si Terrerne Romeo (31.8) at pang-sampu ang beteranong guard ng Barako Bull na si Willy Wilson (31.5).

Samantala, nangunguna naman bilang assist leader si Jimmy Alapag ng Meralco Bolts na may average na 5.8 average assist kada laro, si LA Revilla naman ng Mahindra sa steal sa kanyang average na 2.167 at Jason Ballesteros ng Blackwater Elite sa block sa naitala nitong average na 1.8. (Marivic Awitan)