Nagawang malusutan ng Philippine Air Force (PAF) ang matinding hamon mula sa kapwa military team na Philippine Navy (PN), 25-15, 20-25, 29-27, 24-26, 15-12, upang pormal na umusad sa finals ng Spikers’ Turf Reinforced Conference sa San Juan Arena.

Dahil sa panalo ay naitakda ang pagtutuos ng Airmen at naunang finalist na Cignal.

Nagtala si Jeffrey Malabanan ng 17-puntos habang nag-ambag naman sina Rodolfo Labrador, Reyson Fuentes at Ruben Inaudito ng tig-16 puntos upang pangunahan ang nasabing tagumpay ng Air Force.

Namuno naman para sa nabigong Sailors si Nur Amin Madsari na nagtapos na may 16-puntos.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Nauna rito, nakalusot din ang Cignal sa matinding hamon ng PLDT Home Ultera sa larong umabot din ng limang sets, 25-22, 21-25, 25-23, 11-25, 15-8.

Nagposte ng 26-puntos si Lorenzo Capate habang nag-ambag naman ng 12-puntos si Herschel Ramos para manguna sa nasabing tagumpay ng HD Spikers kontra UItra Fast Hitters.

Nagtapos namang topscorer sa nabigong PLDT si Mark Gil Alfafara na nagtala ng game-high 28-puntos.

Magsisimula ang best-of-3 titular showdown ng dalawang koponan sa darating na Sabado. (Marivic Awitan)