Sugatan ang isang barangay tanod matapos barilin sa hita ng kanyang kainuman sa San Andres Bukid, Maynila nitong Sabado ng gabi.

Kasalukuyang ginagamot sa Sta. Ana Hospital si Franco Sabayle, 44, tanod ng Barangay 807, Zone 87, at residente ng 2323 Esmeralda Street, San Andres Bukid, Manila.

Samantala, tinutugis na ng awtoridad ang suspek na si Arnold Rodriguez, 32, empleyado ng DMCI at naninirahan sa Safari Building, Unit 105, Osmeña Highway, Paco, Manila.

Sa ulat ni Supt. Robert Domingo, hepe ng Manila Police District - Station 6, nangyari ang insidente dakong 10:15 ng gabi sa Perlita St., San Andres Bukid.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Bago ang krimen, nag-iinuman sina Rodriguez at Sabayle kasama ang ilang kaibigan ngunit nang malasing si una ay bigla na lang umano itong nagwala at naghamon ng away.

Ikinairita umano ni Sabayle ang inasta ng suspek kaya umalis ito at pumunta sa barangay outpost para kunin ang kanyang batuta.

Gayunman nang bumalik ay nakita ni Sabayle na naawat na ang suspek sa pagwawala kaya nagpasya ang mga tanod na ihatid na lang ito sa bahay.

Sumunod ang biktima habang hinahatid si Rodriguez sa bahay nito ngunit nakakailang hakbang pa lang ito ay bigla na lang bumunot ng baril ang huli saka pinaputukan ang biktima bago tumakas. - Mary Ann Santiago