Namatay sa aksidente ang bunsong anak ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo “Rudy” Fariñas matapos bumangga sa concrete barrier ang motorsiklong minamaneho nito sa Bacarra, Ilocos Norte, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon ng Bacarra Municipal Police, nangyari ang insidente dakong 5:00 ng umaga sa national highway sa Barangay Buyon sa bayan ng Bacarra.

Sa report ng pulisya, ang biktima ay kinilalang si Rodolfo Fariñas, Jr., 20, dating pangulo ng Sangguniang Kabataan ng Ilocos Norte. Anak siya ni Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas, Sr.

Patay na nang idating sa isang pribadong ospital sa Laoag City ang biktima.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Batay sa imbestigasyon, sakay ng kanyang BMW motorcycle si Fariñas nang sumalpok ito sa isang concrete barrier sa national highway ng Bgy. Buyon.

Napaulat na mabilis ang takbo ng biktima habang nakabuntot sa isang truck nang biglang tumigil ang huli, at sa pag-iwas dito ng biktima ay bumangga ang motorsiklo sa concrete barrier.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon umano ang biktima at nagliyab ang motorsiklo nito. (FER TABOY)