Laro ngayon

Quezon Convention Center

(Lucena City)

5 p.m. Talk ‘N Text vs. Star

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa pakikipagtunggali ng Talk ‘N Text sa Star sa nag-iisang laro ngayong hapon ng 2016 PBA Philippine Cup na dadayo pa sa Lucena City, sa lalawigan ng Quezon ay aasamin nito na umangat sa ikalawang puwesto at maitala ang kanilang ikatlong sunod na panalo.

Ganap na ika-5 ng hapon ang pagtutuos ng dalawang koponan sa panibagong out-of-town game ng ginaganap na season opener sa Quezon Convention Center.

Matapos mabigo sa unang laro nila sa kamay ng Alaska, nagtala ng dalawang dikit na panalo ang Tropang Texters kontra Mahindra at Meralco para umangat sa barahang 2-1, panalo-talo, isang panalo ang pagkakaiwan sa mga pumapangalawang Aces, defending champion San Miguel Beer at NLEX na may laro kahapon kontra Enforcers sa Philsports Arena habang isinasara ang pahinang ito .

Aminado si coach Jong Uichico na nag-aadjust pa sila ng kanyang mga player sa isa’t-isa hanggang ngayon dahil sa matagal nilang hindi pagkakasama noong nakaraang pre-season nang magsilbi siyang isa sa mga assistant coach ni Tab Baldwin sa Gilas Pilipinas na sumabak noong nakaraang FIBA Asia Championships sa China.

“Ako nangangapa sa kanila, sila nangangapa rin sa akin. Still trying to know where can I use them and them trying to understand how I want to use them,” ani Uichico na tinutukoy ang malaking pagbabago sa roster ng Tropang Texters kabilang ang mga bagong mukhang sina Moala Tautuaa, Troy Rosario at ang bagong recruit na si Denok Miranda.

Sa kabilang dako, nagsosolo naman sa ika-apat na puwesto hawak ang patas na barahang 2-2, panalo-talo, hangad ng Hotshots sa ilalim ng bago nitong coach na si Jason Webb na maitala ang una nilang back-to-back win kasunod ng ikalawa nitong panalo noong nakaraang Nobyembre 8 kontra Road Warriors, 97-95 sa Philsports Arena. (Marivic Awitan)