CAMP G. NAKAR, Lucena City – Limang katao ang kumpirmadong agad na nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan sa magkahiwalay na aksidente sa kalsada sa mga bayan ng Pagbilao at Guinayangan sa Quezon, iniulat ng pulisya kahapon.

Ayon kay Senior Supt. Ronald Genaro Ylagan, Quezon Police Provincial Office director, dalawang pasahero ang nasawi at isa pa ang nasugatan makaraang salpukin ng isang pampasaherong bus ang isang electronic tri-bike sa Maharlika highway, sa Barangay Talipan, dakong 12:30 ng umaga nitong Biyernes.

Minamaneho ng isang Marantal ang Raymond Transportation bus (UWE-595) patungong norte nang bumangga ito sa electronic tri-bike na minamaneho ni Benito De Villa Malveda Jr., 46 anyos.

Patay si Malveda, gayundin ang pasahero niyang si Raymund Macabuhay, 47, habang isang hindi pa nakikilalang lalaki ang ginagamot pa sa Quezon Medical Center sa Lucena City.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa Guinayangan, dakong 5:00 ng hapon nang mabangga ang isang Mitsukoshi LF100 tricycle ng pampasaherong DLTB Co. bus na minamaneho ni Edwin Marasigan Manalo, 41, sa Quirino Highway sa Bgy. Bagong Silang.

Agad na nasawi ang mga lulan sa tricycle na sina Julius S. Siaron; Jomar S. Ronan, 20; at Mary Joy Manriza Abordo, 14 , habang isinugod naman sa St. Peter General Hospital sa Calauag sina Aileen Macahilig Lasala, 16; Arnold Macahilig Lasala, 17; at Jomel Satioquia Ronan, 18 anyos. (Danny J. Estacio)