ISA na namang sindikato ang gumigiyagis sa kasalukuyang administrasyon na kinapapalooban ng kontrabando ng armas at iba pang electronic gadget na ipinasok sa New Bilibid Prison (NBP). Maliwanag na ang kasuklam-suklam na katiwaliang ito ay naglantad sa pagiging inutil ng mga namumuno sa naturang piitan sa Muntinlupa City. Sino ang makapaniniwala sa patuloy na pamamayagpag ng sindikato nang hindi namamalayan ng mga alagad ng batas?

Mismong mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor), Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang sumalakay sa maximum security compound ng NBP at nakumpiska ang ilang armas at malaking halaga ng pera na natagpuan sa mga ‘kubol’.

Nakadidismaya ang pahiwatig ng ilang tauhan ng BuCor at NBP. Sinasabi nila na ang natagpuang mga armas ay maaaring matagal nang iniingatan ng mga bilanggo. At ang mga ito ay naipasok sa loob ng piitan sa pamamagitan ng kani-kanilang mga dalaw; ang iba naman ay maaaring naisasabay sa pagpasok ng mga construction materials na ginagamit sa pagpapatayo ng mga pasilidad sa loob ng bilangguan; maaari rin umanong inihahagis ang mga ito at inaabangan na lamang ng mga preso. Nakakatawa na nakakabuwisit ang ganoong pangangatwiran na naglalantad lamang sa pagpapabaya at kawalan ng kakayahan ng liderato ng NBP.

Hindi lamang ngayon naganap ang mga alingasngas sa pambansang piitan. Maraming pagkakataon na nabulgar ang talamak na paggamit at pagbebenta ng mga bilanggo ng mga droga. At nagaganap doon ang masasalimuot na transaksiyon na umano’y may bendisyon ng makapangyarihan.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

May mga preso, lalo na ang mga high profile inmates, na sinasabing nakalalabas ng piitan upang makapiling ang mga starlet. Nagaganap pa kaya sa NBP ang pagpapalabas sa isang inmate bilang isang hired killer? At bumabalik sa piitan pagkatapos ng kanyang misyon?

Ang ganitong mga senaryo ay marapat lipulin ng mga awtoridad. Ang mga ito – kabilang na ang mga kapalpakan sa NAIA at sa iba pang sektor ng gobyerno – ay nagbigay-dungis sa administrasyon at sa ipinangangalandakang matuwid na pamamahala. (CELO LAGMAY)