KAYA mo bang tiisin ang pagiging bitin?
Kung ang SUV o pick up ang pag-uusapan, hindi ito dapat tipirin sa lakas ng makina, dahil bukod sa hanep sa porma, ang mga ito ay maaasahan sa lakad na pang-harabas nang walang atrasan.
Ganito ang naging prinsipyo ng Isuzu Philippines Corporation (IPC) nang isapubliko ang bagong modelo ng MU-X SUV at D-Max pick up na ngayo’y kargado ng 3.0-liter diesel engine.
Ito ay bilang alternatibo sa 2.5-liter variant na inilunsad ng IPC sa lokal na merkado ilang buwan na ang nakalilipas.
“While our current D-Max and MU-X is very much appreciated by the market, there are those who wish to have more power,” giit ni IPC President Hajime Koso.
“Thus, we are giving our customers the freedom to chose—between our current 2.5-liter engine and the new 3.0 VGS Turbo variant,” dagdag ni Koso.
Bukod sa masamang kondisyon ng kalsada sa maraming lugar sa Metro Manila at sa iba pang lugar sa bansa, marami ang naeengganyong gumamit ng SUV o kaya ay pick up na may matibay na pang-ilalim at mataas na ground clearance dahil na rin sa biglaang pagbaha tuwing umuulan.
Dito maraming kumbinsido na ang Isuzu MU-X at D-Max ang maaasahan, pati na rin sa usapan ng patibayan ng makina.
Hindi tulad ng ibang diesel engine, ang 4JJ1-TC (HI) powerplant ng D-Max at MU-X ay gumagamit ng Common Rail Direct Injection at Variable Geometry System turbocharger na may intercooler kaya malakas sa arangkada.
At kahit lagare sa pagbiyahe, mababa rin ang maintenance cost ng mga Isuzu vehicle dahil kilalang matibay ang mga makina at pang-ilalim ng mga ito.
Ayon kay Koso, kayang-kaya makipagsabayan ng MU-X at D-Max 3.0-liter sa mga kakumpitensiya ng mga ito dahil ipinako ang presyo ng mga ito sa P1,398,000 sa MU-X 4x2 LS-A/AT; at P1,708,000 sa MU-X 44x44 LS-A A/T).
Habang ang Isuzu D-Max 4x2 LS M/T ay nagkakahalaga ng P1,090,000; D-Max 4x2 LS A/T, P1,160,000; D-Max 4x4 LS M/T, P1,360,000; at ang D-Max 4x4 LS A/T ay P1,430,000. (ARIS R. ILAGAN)