STA. CRUZ, Laguna– Tinanghal na pangkalahatang kampeon ang Philippine Air Force (PAF) sa seniors division habang ang University of Santo Tomas (UST) naman sa junior category sa katatapos na 2015 Philippine National Open-Invitational Athletics Championships sa Laguna Sports Complex.

Nakatipon ang PAF-A men’s at women’s ng pinagsamang 141 puntos upang biguin ang pumangalawang Philippine Army-A sa naiposteng 107 puntos. Pumangatlo ang University of Baguio (UB) na may naitalang 67 puntos.

Kinolekta ng mga miyembro ng UST men’s at women’s ang pangkakalahatang 90 puntos upang tanghaling kampeon sa juniors division. Pumangalawa ang TMS Ships sa tinipang 82 puntos habang pumangatlo ang Dasmarinas City na mayroong 75 puntos.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Napasakamay naman ang anim na espesyal na awards kina Brandon Thomas bilang Fastest Man (10.8s), Kathlyn Khay Santos bilang Fastest Women (11.9s), Narciza Atienza bilang Iron Maiden (4,823 puntos sa heptathlon) at Man of Steel si John Rey Ubas (6,195 puntos sa decathlon).

Kinilala naman bilang Most Valuable Player si Caleb Christian Stuart na kumubra ng tatlong gintong medalya sa shot put (16.52m), hammer throw (64.81m) at discus throw (48.17m).

Una munang tinanghal na kampeon ang Philippine Army-A sa women’s division kasunod ang Philippne Air Force at ikatlo ang UST. Tinanghal na kampeon sa men’s division ang Philippine Air Force–A kasunod ang Team Rio at pumangatlo ang 5th time NCAA overall athletics champion na JRU Heavy Bombers.

Samantala, tinanghal na may pinakamaraming medalya sa girls division ang typhoon ‘Yolanda’ survivor na si Karen Janario matapos humakot ng apat na gintong medalya para sa Leyte Sports Academy–A, kabilang na gintong medalya sa girls 4x400m relay kasama sina Feiza Jane Lenton, Rosemarie Olorvida at Remabel Rosello.

Una nang nagwagi ng ginto si Janario sa girls 200m (25.21s), 400m run (59.21s) at 100m hurdles (15.14s).

Muntik din makapagtala ng bagong rekord si Dave Albarico ng JRU matapos na ihagis ang kanyang personal best na 62.01m sa juniors javelin throw.

Ang 19-anyos na mula Zamboanga del Sur at 2nd year Criminology student ay kumubra ng NCAA gold medal matapos na maihagis nito ang 61.16m.

Hawak ni Dandy Gallenero ang national record sa javelin na 63.26m na itinala sa Cebu National Games noong Disyembre 18, 1997 habang ang NCAA record na 61.44m ay hawak ni Melvin Calamo ng JRU na kasalukuyang miyembro ng national team.