TODO-ARANGKADA na ang recording career ng TV host-actress at best-selling author na si Alex Gonzaga sa paglabas ng kanyang debut album sa Star Music na pinamagatang I Am Alex G.

Alex Gonzaga

“Sobrang saya ko na ang unang album ko ay very ako –- masaya at relax lang, pero matindi,” sabi ni Alex. “Higit pa sa madidiskubre ng tao ang talent ko sa singing, mas gusto ko na mag-enjoy, makakonek at maki-sing-along ang mga makikinig sa songs sa album.”

Ibinahagi ni Alex na naging malaking inspirasyon ang idol niya na si Taylor Swift habang ginagawa niya ang album.

National

2 taga-Laguna na parehong nanalo sa magkahiwalay na Lotto 6/42 draw, kumubra na ng premyo

“Katulad ni Taylor Swift, gusto ko ring mag-perform ng songs na makakapa-good vibes ng ibang tao. At nagkataong may isang kanta sa album ko na may mala-Taylor Swift magic na epekto sa akin sa unang dinig ko pa lang sa kanya. Ito po ay ang favorite track kong Panaginip Lang. Very upbeat siya, nakaka-LSS (last song syndrome) at mabilis makapang-good vibes.”

Sa paglabas ng kanyang debut album, gaganaping first major concert sa Abril sa Araneta Coliseum, at sa primetime teleseryeng Inday Bote, wala na halos ibang laman ang puso ni Alex ngayon kundi pasasalamat. 

“Lahat po ng nangyayari sa akin ngayon ay bahagi lang ng mga panaginip ko noon. Pero sa tulong po ng mga taong nagbigay sa akin ng opportunities na i-share ko ang talents ko at sa malakas na suporta ng aking fans, nandito po ako ngayon, living my dreams. Forever thankful po ako sa kanilang lahat,” pahayag ni Alex.

Laman ng I Am Alex G album ang anim na tracks kabilang ang ‘Di Ko Akalain, Alam Mo Na ‘Yan, Boyfriend, Break Na Tayo, Goodbye Kiss at ang carrier single niyang Panaginip Lang. Lahat ng anim na tracks ay may minus one version sa album. 

Available ang I am Alex G sa record bars nationwide sa halagang P199 lamang. Maaari na ring ma-download ang digital tracks sa pamamagitan ng online music stores katulad ng iTunes, Mymusicstore.com.ph, at Starmusic.ph.