Tila hindi pa rin matanggap ni Ronald Cardema ang naging kapalaran ng Duterte Youth Party-list kung saan siya nagsilbi bilang chairman nito.
Sa ginanap na ika-89 Araw ng Dabaw nitong Sabado, Marso 28, iginiit pa rin ni Cardema na nanalo ang nasabing party-list noong 2025 midterm elections.
Aniya, "Kahit ang nangyari noong isang taon, nanalo ang inyong Duterte Youth Party-list, number one sa buong mundo, number one sa local absentee ng mga pulis at sundalo, hindi pinaupo ng Comelec. Dinis-qualify.”
“Pero nandito kami ngayon, naninindigan para kay Vice President Sara Duterte dahil alam namin pag-upo ng ating Pangulong Sara Duterte, babalik ang hustisya sa ating bansa. Mababawi ang lahat ng ninakaw sa sambayanang Pilipino,” dugtong pa ni Cardema.
Matatandaang kinansela ng Comelec ang rehistrasyon ng Duterte Youth bilang party-list noong Hunyo 2025.
Maki-Balita: Duterte Youth, kanselado na bilang party-list
Naantala ang kanilang proklamasyon matapos manalo sa eleksyon noong Mayo 12 dahil sa mga petisyong nakabinbin laban sa kanila.
KAUGNAY NA BALITA: Duterte Youth, BH Party-list, naudlot proklamasyon para sa 20th Congress