Sa harap ng kabi-kabilang sunog hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang sulok ng kapuluan, walang hindi nakikiisa sa maigting na pagpapaalala sa ating lahat upang makaiwas sa sunog. Sa pamamagitan ng munting pitak na ito at sa lahat ng media outfit, paulit-ulit nating bigyang-diin ang pinsala sa buhay at ari-arian na idinudulot ng sunog. Sa Pasay City at sa Cebu, halimbawa, namatay ang halos buong pamilya dahil sa sunog.
Walang kailangan kung tayo ay mabingi, wika nga, sa mga fire warning mula sa iba’t ibang sektor lalo na nga sa mga kagawaran ng pamatay-sunog. Bagkus, lalo pa nga nating paigtingin ang gayong mga panawagan upang matiyak ang ating kaligtasan.
Maging ang mga alagad ng Simbahan ay laging nagpapaalala sa mga mananampalataya upang tayo ay makaiwas sa sunog. Nagiging bahagi ito ng kanilang pagmimisa. Katunayan, mismong mga obispo ang humihikayat sa kanilang mga kapuwa pari na maging bahagi ng mga panawagan hindi lamang ang hinggil sa sunog kundi maging ang iba’t ibang bisyo na nakapipinsala sa lipunan.
Hindi biro ang masunugan. Sabi nga ng isang palasak na kawikaan – manakawan ka na, huwag ka lamang masunugan; may itinitira pa ang magnanakaw; abo na lamang ang iniiwan ng sunog.
Hindi ko malilimutan nang kami ay masunugan, maraming taon na ang nakalilipas. Hindi lamang bahay namin ang tinupok ng apoy kundi maging ang lahat ng kasangkapang ginagamit ng aming ama sa pagsasaka – ararong kahoy, kareta, suyod, paragos at iba pa.
Sapat nang dahilan ito upang tayo ay laging makiisa sa pagpapaigting ng mga paalala sa pag-iingat sa sunog. Kailangan naman ito tambalan ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pondo para ibili ng mga fire trucks para sa mga munisipyo; kaakibat ng ibayong rehabilitasyon at pagpapabuti ng situwasyon ng mga fire trucks at ng mismong mga bumbero. Ang pag-iwas sa sunog ay obligasyon natin sa lahat ng sandali – hindi lamang tuwing Fire Month.