Nakikipagkita na ang mga pamilya ng napaslang na 44 Special Action Force commando ng Philippine National Police sa iba’t ibang opisyal ng gobyerno sa isang uri ng “one-stop shop” sa Camp Crame hinggil sa kanilang mga problema at pangangailangan, nang biglang bumisita ang Pangulong Aquino sa kanila noong Miyerkules ng hapon. Ito ang pangalawang pagkakataon na nakipagkita ang Pangulo sa mga pamilya, ang una ay noong idaos ang necrological rites isang araw matapos ang pagdating ng mga labi ng SAF 44 mula Maguindanao.

Hindi nakatakda ang pagbisita ng Pangulo. Una nang nakipag-usap ang Pangulo nang masinsinan sa bawat pamilya at inatasan ang mga opisyal na alamin kung ano ang kanilang magagawa upang maayudahan ang mga pamilya – kaugnay ng pensiyon ng mga pulis, iba pang benepisyo mula sa iba pang ahensiya, pabahay para sa mga pamilya, kabuhayan, edukasyon para sa mga anak, atbp. Hindi na maibabalik ang buhay ng kanilang minamahal, ngunit determinado ang gobyerno na ibigay ang lahat ng posibleng tulong sa mga pamilyang naiwang nagdadalamhati.

Binabatikos ang Pangulo nang mabigo itong personal na salubungin ang mga labi ng 44 nang idating ang mga ito sa Villamor Air Base. Sa halip, dumalo siya sa inagurasyon ng isang Japanese car plant sa Laguna na naka-schedule. Hindi niya at kanyang pinakamalalapit na adviser inaasahan ang reaksiyon, hindi lamang mula sa mga pamilya kundi mula sa buong bansa, na na-trauma sa pagkamatay ng napakaraming mahuhusay na kabataang lalaki.

Tunay ngang bahagi na ng ating pambansang kultura na gumawa ng paraan upang ipakita ang ating pakikiramay sa panahon ng kapighatian – ito ang pinahahalagahan sa ating lipunan nang higit sa ano pa man.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Ang pangulo ng bansa ay higit pa sa pinuno ng gobyerno, higit pa sa pangunahing tagapagkaloob ng serbisyo ng gobyerno, higit pa sa commander-in-chief, higit pa sa mukha ng bayan na humaharap sa ibang bansa. Siya ang ama ng bansa.

Sa pagkikipagkita sa pangalawang pagkakataon sa mga pamilya ng SAF 44, naglaan ng maraming oras sa kanilang piling hanggang hatinggabi, nagpakita ng mukha ng gobyerno si Pangulong Aquino. Sa panahong ito ng matinding kapighatian, malaking bagay ito para sa nagdadalamhating mga pamilya – at sa buong sambahanan na kasama nila sa kalumbayan.