ANG tunay na yaman ng bayan ay ang kabataan. Ang tanging sandigan ng bawat henerasyon ay ang pananagutan na maisalin ang kinabukasan at landas ng ating Republika sa matikas at makabayang balikat ng susunod na salinlahi. Subalit sa usapin ng mga “batang” pulitiko na binibilad sa nakakalungkot na antas ng ating pamumulitika, iyan ang dapat bigyan tugon ng matitinong lider ng bansa.

Upang maging maliwanag, isa ako sa hindi naniniwala sa tinaguriang “sectoral representation” na halal at pinopondohan. Halimbawa kabataan, kababaihan, senior citizen, atbp. Bakit wika ninyo? Saka maidagdag lang, walang kandidato o opisyal ang tatayo sa tribuna at maglalakas loob isambit ang sinabi ko, at baka mawalan ng boto sa nasabing mga sektor. Simple ang kasagutan – bawat isa sa atin dumaan sa pagkabata, o may supling. May asawa, may lolo at lola, may kilalang PWD (persons with disability) atbp. Ibig sabihin, kung nahalal ang kandidato bilang alkalde, congressman, senador atbp. ang kabuuang karanasan, pag-iisip at damdamin natin sumasalamin sa bawat mukha ng lipunan. Lahat ng ito, saklaw sa ating pagkatao, dahil hindi lang isang papel ang tunay na ginagampanan natin sa totoong buhay. Sapakat nga halal ng buong bayan, kapakanan ng bawa’t sektor ay tamang nabibigyan ng sapat, kung hindi man, pantay na serbisyo at pagkalinga na walang pagtatangi. Sakali man nagkukulang o palpak, aba’y sipain at mag-abang ng susunod na ipapalit na may akma o sulit na programa para sa lahat ng sektor.

Sa suliranin ng Sangguniang Kabataan – naniniwala ako na dapat hindi sila mabahiran ng sistemang naulingan o may “lamat ng gamitan”. Tumpak na gawing sanggunian lamang ang grupo ng kabataan.

Paano ito ipapatupad? Maglabas ng batas ang Kongreso na sususugan ng reglamento sa Comelec na bawat samahan ng kabataan sa kada bayan o lungsod na may orihinal na kasapi ng kahit 30 (mula 15-23) kailangang magrehistro. Matapaos maberipika ang mga pangalan at tirahan nito, magsusumite sila ng pangalan ng kanya-kanyang pangulo. Sa listahan na mga kabataang presidente, sila-sila boboto sa convention pang bumuo ng secretariat, na magsisilbing Sanggunian sa lokal na pamahalaan. Hindi pa magastos sa Comelec na aabot ng P900 milyon.
National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!