Bilang paraan ng kanilang pasasalamat sa ginawang pagtangkilik ng fans sa nakaraang 2014-15 PBA Philippine Cup, nakatakdang mamigay ang PBA ng mga libreng tiket sa pagbubukas ng kanilang ika-40 season second conference sa darating na Martes (Enero 27).

Libre ang lahat ng mga tiket para sa General Admission section ng MOA Arena sa Pasay City kung saan gaganapin ang opening games ng PBA Commissioner’s Cup.

Ito ang ipinahayag ni PBA Chairman Patrick Gregorio sa isang statement na kanyang ipinadala kahapon.

``Nais kong ipaabot ang aking magiliw na pagbati sa San Miguel Beermen at Alaska Aces sa kanilang epikong pagtatagisan, galing at talento, at sa libu-libong fans na walang sawang sumuporta sa ating liga,`` ani Gregorio na tinutukoy ang mga tagahanga at tagasunod ng PBA na umabot sa bilang na 22,511 sa nakaraang Game Seven ng PBA Philippine Cup finals noong Miyrekules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Metro

Magpinsang paslit nagkayayaang maligo sa lawa, nalunod

``Bilang pasasalamat ng PBA Board of Governors, kasama ni Commissioner Chito Salud sa matagumpay na Philippine Cup, we are giving out the General Admission tickets for FREE on the opening of the Commissioner’s Cup on January 27 at the MOA Arena,`` dagdag nito.

Kaya naman inaanyayahan ni Gregorio ang PBA fans na isama na ang kanilang mga kaibigan, pamilya at mga kabarkada para manood sa Martes.

Gaya ng dati, gagawing first come, first serve basis ang pamamahagi ng tiket o isang oras bago simulan ang unang laro sa pagitan ng Kia Motors at Globalport na susundan naman ng tapatan ng Barangay Ginebra at Meralco Bolts.