Naputol ang 8-game winning run ng Lyceum of the Philippines University (LPU) nang walisin sila kahapon ng University of Perpetual Help, 25-18, 25-16, 25-19, sa pagpapatuloy ng semifinal round sa juniors division ng NCAA Season 90 volleyball tournament.
Biglang bumagsak ang dating namamayagpag na Junior Pirates na nakuhang maipanalo ang lahat ng pitong laro sa eliminations at unang laban sa semis noong nakaraang Miyerkules kontra sa San Sebastian College.
Nagposte ng 15 at 14 puntos sina Ricky Marcos at Malden Deldil, ayon sa pagkakasunod, upang pangunahan ang nasabing panalo ng Altalettes.
Pinaulanan ng hits ng Altalettes ang Pirates, 42-27, bukod pa sa service aces, 4-0, habang dinomina rin nila ang depensa sa net matapos magposte ng 8-3 blocks.
Matapos magtala ng game high 27 puntos sa kanilang nakaraang laban kontra sa Staglets sa pagbubukas ng single round semis, nalimitahan lamang sa 9 puntos ang top hitter ng Junior Pirates na si Jomaru Amagan.
Una rito, ganap nang pinagsarhan ng pintuan tungo sa kampeonato ang Staglets nang padapain ng Emilio Aguinaldo College (EAC) Brigadiers, 25-27, 25-19, 25-20, 17-25, 15-8, sa isa pang juniors semifinals outing.
Umiskor si Aljon Barbuco ng 22 puntos na kinabibilangan ng 19 hits at 3 blocks habang nag-ambag naman sina Cee-jay Hicap at Wall Amber Gervacio ng 15 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod, para pangunahan ang nasabing panalo ng Brigadiers na bumuhay sa kanilang tsansa na umabot sa finals at kampanyang 3-peat championship.
Nabalewala naman ang game-high 24 puntos ni Romeo Teodones dahil tuluyan nang nawalan ng tsansa ang Staglets na umusad sa finals dahil sa ikalawang sunod na kabiguan sa semis, kasunod ng pagkatalo sa Lyceum noong Miyerkules.
Dahil sa panalo, pasok na sa finals ang Perpetual habang pag-aagawan naman ng Lyceum at EAC ang huling finals berth.