KAPAG hindi raw itinaas ang pamasahe sa LRT at MRT, labag ito sa equal protection of the law, wika ni Congressman Barzaga. Kasi, ginagastusan daw ng gobyerno ang malaking bahagi ng pamasaheng dapat daw ay ibinabayad ng mga mananakay.

Paano naman daw iyong mga nasa labas ng Metro Manila na hindi sumasakay sa mga treng ito? Eh, ang kanilang ibinabayad na buwis ay napupunta sa idinadagdag ng gobyerno sa kulang na ibinabayad ng mga pasahero.

Hindi ko alam kung saan kumukuha ng dunong ang kongresista. Makitid na katwiran ito para suportahan ang pagtaas ng pamasahe sa LRT at MRT.

Una, ang mga tren ay bukas para sa lahat. Walang patakaran na ang mga taga-Metro Manila lang ang puwede lamang sumakay sa mga ito. Alam ba ng kongresista na walang mga tagaprobinsiya na nagtutungo sa Metro Manila? At alam ba niya na sa mga ito ay walang sumasakay ng tren? Lahat ng klase ng tao: manggagawa, magaaral, propesyunal at higit sa lahat ay mga mahirap na galing sa iba’t ibang lugar ay sumasakay sa mga tren.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ikalawa, ang mga pasahero ay mga manggagawa rin na katulong ng mga namumuhunan sa pagpapalakas at pagpapalago ng ekonomiya. Hindi ba kapag umunlad ang ekonomiya, ang makikinabang ay hindi lang taga-Metro Manila at pasahero ng mga tren?

Ang lahat, saan man sila naroon, ay makikinabang din. Katiwalian nga lang ang pumipigil sa pagkalat ng biyaya sa ating bansa.

Dahil maraming kumukontra at bumabatikos sa ginawang ito ng gobyerno, wala raw magagawa si DOTC Secretary Abaya kundi gamitin ang political will. Baligtad ang paggamit nito. Kailangan ng gobyerno ang political will para ibaba ang pamasahe o kaya huwag itaas ito.

Ang political will ay kailangan gamitin sa ikabubuti, at hindi ikapipinsala ng mamamayan.