ANG pelikulang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” ay itinanghal na “Best Picture” sa Metro Manila Film Festival kamakailan. Marami itong tinanggap na award, kabilang ang “Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award” at ang “FPJ Memorial Award for Excellence”.
Ang dalawang pambansang grupo ng mga guro - ang Alliance for Concerned Teachers (ACT) at ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) – ay pinuri ang naturang pelikula at hinimok ang mga guro sa bansa na gamitin ang palabas sa pagtuturo tungkol sa kasaysayan at kabayanihan.
Ang pelikula, ayon sa kanila, ay nagpalutang ng mga katanungan tungkol sa impormasyong nakasulat sa mga aklat ng kasaysayan na ginagamit sa mga paaralan. Ipinakita nito kung paano naakusahan sina Andres Bonifacio at ang kanyang kapatid na si Procopio ng pagtataksil sa bayan matapos silang magpasyang huwag tangkilikin ang halalang isinagawa ng grupong Magdalo sa Cavite, kung paano sila naaresto at pinaslang kalaunan.
Isa ngang madilim na panahon iyon sa ating kasaysayan. Ang lalaking nagdulot ng pagkakatatag ng Katipunan, na naglunsad ng rebolusyon ng Pilipinas noong 1896, ay waring naisantabi sa mga aklat ng kasaysayan, at naisasalaysay ang mga sumunod na tagumpay ng puwersa sa pamumuno ni Emilio Aguinaldo laban sa mga Kastila.
Si Aguinaldo ang nasa sentro ng entablado habang ipinoproklama niya ang kasarinlan ng Pilipinas sa Kawit, Cavite, noong Hunyo 12, 1898. Ito ang petsang kinikilala natin ngayon bilang Araw ng Kalayaan, pumalit sa Hulyo 4, 1946, ang araw na nagwakas ang pamamahalang kolonyal ng Amerika sa Pilipinas.
Si Aguinaldo ang kinikilalang unang Pangulo ng Pilipinas, ang Pangulo ng unang Repulika ng Pilipinas; na sinundan kalaunan ng mga pangulo ng Commonwealth na sina Manuel Quezon at Sergio Osmeña; Jose P. Laurel, pangulo ng ikalawang Republika ng Pilipinas sa panahon ng Hapón; at pagkatapos, nina Manuel Roxas, Elpidio Quirino, Ramon Magsaysay, Carlos Garcia, Diosdado Macapagal, Ferdinand Marcos, Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo, at ni Benigno Aquino III ng kasalukuyang pangatlong Republika ng Pilipinas.
Magiging mahirap na baguhin pa ang matagal nang naitatag na salaysay na ito sa kasaysayan, ngunit ang mga katanungang lumutang sa pelikulang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” ay hindi maaaring isantabi. Malinaw na may kawalan ng katarungan sa pagkamatay ng bayani. Natakpan ng mga kuwento ng kasaysayan ang mahahalagang pangyayari sa paglilitis at paghatol ng isang Council of War at ang pagbitay sa kanya. Ni walang nakakaalam ng eksaktong lugar kung saan siya pinaslang noong 1897 sa Mount Nagpatong sa Cavite.
Maaaring gumugol ng maraming panahon – mahigit sa 118 taon na ang nakalilipas mula sa kanyang kamatayan – ngunit darating ang araw, maitutuwid ang kasaysayang ito mabibigyan si Andres Bonifacio ng karampatang puwesto sa hanay ng mga dakilang bayani ng ating bansa.