TINIYAK ng isang congressman na kaalyado ni Pres. Noynoy Aquino ang pagkandidato nina Vilma Santos-Recto at Dingdong Dantes sa ilalim ng partido ng administrasyon.
Ayon sa aming source na tumangging magpabanggit ng pangalan, kasama raw ang dalawa sa line-up ng senatoriables ng naturang partido.
Ang pangalan ng bagong kasal na si Dingdong Dantes ay kasama na raw sa short list ng senatoriables ng partido ganoon din ang pangalan ng Star for All Seasons, pero masusi pa rin daw na pinag-aaralan ng partido kung magiging manok nila ang kasalukuyang gobernadora ng Batangas sa pagka-bise presidente.
Nasa naturang listahan rin si Sen. Ralph Recto na namamayagpag sa survey among senatoriables.
Pero kung si Dingdong ay wala nang problema ang political party ng administrasyon, kinukumbinsi pa rin daw nila hanggang sa ngayon si Gov. Vi.
Dagdag pa ng source namin, sa mga taga-showbiz ay sina Ate Vi at Dingdong lang ang napasama sa listahan ng partido bilang senatoriables.
Ayon pa sa kausap namin, kumpara sa mga nagdaang eleksiyon ay mukhang mabibilang na lang ang mga tatakbo galing sa showbiz.
Matunog namang tatakbo uli bilang gobernor ng Laguna ang bida ng Muslim Magnum .357 na si Gov. ER Ejercito.
For sure ay tatakbo para mayor pa rin si Quezon City si Mayor Herbert Bautista at pagiging congressman pa rin ang pupuntiryahinn ni Cong. Alfred Vargas. Tiyak ding konsehal pa rin sina Precious Hipolito-Castelo na asawa ni Cong. Winne Castelo ng District 2.
Ganoon din naman ang mga konsehal na sina Roderick Paulate at Anjo Yllana. Tiniyak ng kausap namin na babalik para konsehal ng Kyusi si Aiko Melendez.
Sa Manila naman ay tiniyak na ni Vice Mayor Isko Moreno na ang pagiging mayor ng siyudad ang pupuntiryahin niya dahil nagpahayag na si Erap na hindi na iiwanan na niya ang posisyon.