MAGIGING mas makulay at makabuluhan ang Pasko ng mga taga-Maynila ngayong taon sa paglulunsad ng unang 3-D video mapping projection pyro/laser lights musical New Year Countdown sa pamosong Roxas Boulevard sa bisperas ng Bagong Taon, December 31.
Literal na magliliyab ang gabi at ang buong kalangitan sa proyektong ito ng Mare Foundation na suportado ng city government ng Maynila, sa pangunguna ni dating Pangulo at ngayo’y Mayor Joseph “Erap” Estrada, dahil sa makukulay na display ng bonggang laser lights at iba’t ibang klase ng paputok sa saliw ng mga sikat na kantang pamasko.
Bukod dito, magkakaroon din ng pre-event activity sa Rajah Sulayman simula December 24 hanggang 30.
Ang gabi-gabing skit ay tatampukan din ng 3-D video mapping projection na tatagal ng sampung minuto.
Mapapanood dito ang nakaka-inspire na kuwento ng isang pamilyang maghahatid ng pambihirang mensaheng pang-Pasko.
Ang ‘Sulong Manila 2015 Countdown’ ay hatid ng ICTSI at Manila North Harbor.
Si dating Senadora Loi Ejercito ang chairman ng Mare Foundation, isang non-stock, non-profit, non-government organization na tumutulong at sumusuporta sa mga pangangailangan ng underprivileged na Pilipino sa buong bansa.
Ilang taon nang nagsasagawa ng iba’t ibang klase ng livelihood programs ang Mare Foundation at nagbibigay ng alternative source of income gaya ng hog-raising project sa Iriga, Camarines Sur, kung saan namigay sila ng 25 hogs sa indigent members.
Bukod sa napakaraming livelihood programs, nagdedeliver rin sila ng health assistance sa pamamagitan ng sunud-sunod na medicaldental- surgical missions sa depressed areas nationwide at microfinance projects sa Metro Manila.