Nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) Intelligence Group ang isang parsela mula sa United States na naglalaman ng 268 asul na tabletas na hinihinalang sildenafil citrate, isang gamot na ginagamit para sa erectile dysfunction at ibenebenta sa ilalim ng iba’t ibang pangalan tulad ng “Viagra.” Ang gamot ay nakapakete sa apat na tableta na tinatayang nasa mahigit P40,000 ang halaga.

Ang parsela, ay ideneklara bilang mga “assorted pharmaceutical products,” na ipinadala sa koreo noong Enero 6, 2014 sa isang Angelica Amor Vasquez na nakatira sa 171 Gomez Street, Barangay Addition Hills, San Juan City.

Dumating ang package sa San Juan Central Post Office noong Enero 18, 2014 at magwa-walong buwan na ay hindi pa kinukuha ng may-ari, dahilan upang buksan na ito ng mga awtoridad.

Kinumpiska ng mga opisyal ng BOC ang parsela dahil sa paglabag sa Section 2530 ng Tariff and Customs Code of the Philippines (TCCP), na may kaugnayan sa panuntunan ng Food and Drug Administration at Intellectual Property Code o Republic Act 8293. (Mina Navarro)
Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon