Humablot ng tig-dalawang titulo ang Centro Escolar University (CEU) at Miriam College (MC) para tanghaling winningest squads sa unang semestre ng 45th WNCAA.
Nakamit ng CEU ang ikaapat na sunod na titulo sa senior basketball at pinatalsik ang four-time winner Rizal Technological University (RTU) sa senior futsal.
Namayani naman ang Miriam sa junior volleyball at futsal events.
Nakamit naman ng host La Salle College Antipolo ang junior cage championship kontra sa nakaraang taong winner na Chiang Kai Shek College (CKSC) habang nakubra ng De La Salle Zobel ang kanilang ikaapat na sunod na titulo sa midgets basketball.
Napatalsik naman ng RTU, ang runner-up sa senior basketball, ang San Beda College (SBC) Alabang sa senior volleyball habang inangkin ng St. Paul College (SPC) Pasig ang midgets title.
Nahirang bilang basketball Most Valuable Players sina Janine Pontejos ng CEU (senior), JC Mae Riel ng LSCA (junior) at Akemi Marteja ng DLSZ (midgets).
Para naman sa volleyball, tinanghal na MVPs sina Shana Marie Costillas ng RTU (senior), Ennah Elaine Ebreo ng Miriam (junior) at Elizabeth Marianne Delgado ng St. Paul (midgets).
Nakopo naman ni Teresa Bernardo ng Mirriam ang junior futsal MVP plum sa natatanging liga na may tri-level league at para lamang sa kababaihan na suportado ng Mikasa, Molten, OneA Bed and Breakfast, Goody, at Monster Radio RX 93.1.
Magpapatuloy ang aksiyon sa liga sa second semester sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga kompetisyon sa badminton, swimming, taekwondo, lawn tennis, table tennis, softball, cheerleading at cheerdance sa susunod na taon.